Saturday, January 15, 2011

Single ka ba?

Nakakatawang isipin na sa tuwing bungad ng mga dating kakilala na biglang nakita sa kung saan ay tatanungin ka nila ng "May girlfriend ka na?" o kaya naman e "siguro marami ka ng naging girlfriend" o ang mas pamilyar na tanong na "Musta naman ang lovelife?" na para bang kasama na ng existence ng isang tao ang pagkakaroon ng syota o di naman kaya'y kapareha sa buhay at hindi ka kumpletong tao kung wala ka nito na napakaunfair sa tulad ko na once in a blue moon kung mainlove at mas madalang pa sa makikita mong balyena sa Manila Bay kung manligaw. Hindi lang siguro ako kumportable sa panliligaw lalo pa't ayokong ayoko talaga ang magpacute o kaya'y mambola saka siguro dahil nga takot rin akong mabasted na sa awa ng Diyos e di ko pa naman nararansan dahil nga kahit 21 na ako e dalawa pa lang ang naliligawan ko at ang pinakabadtrip e mas matagal pa akong nanligaw kesa sa naging kami. FAIL. Pero hundi yun ang punto ko.. ang sa akin e... bakit ba parang obligasyon ng bawat isa na maging taken sa halos buong panahon ng buhay niya? at bakit ba parang big deal kapag single ka pagdating mo ng 20's?

Ano nga ba ang mapapala sa pagiging "in a relationship"?

Hindi ko pwedeng sabihin na ayaw kong magkaroon ng kaparehas. Sa pagkakaroon kasi ng isang taong iyon ay nagkakaroon ka ng instant bestfriend na lahat ng nasa utak mo e pwede mong sabihin sa kanya at inaasahan mong kakampi mo siya sa lahat ng laban sa buhay mo. Nakakakilig rin at nakakainspire ang pagkakaroon ng special someone, ginaganahan kang ayusin ang itsura mo, pagbutihin ang pag-aaral mo at magpaload para makareply sa mga text niyang "kumain na ba u?" o "sliptyt. mwah! love u!" na aminin mo man o hindi e napapangiti ka kahit papano dahil sa kilig at saya. Sa pagiging in a relationship e nagkakaroon ka ng access sa mga usapang lovelife at magkukunwari kang love guru sa mga kaibigan mo, nagkakaroon ka rin ng dahilan para mangolekta ng mga cheesy pick-up lines na pwede mong sabihin sa kanya habang naglalandian kayong dalawa at higit sa lahat ay pwede kang magsuot ng couple shirt na hindi ka mukhang tanga dahil may kasama kang nakasuot ng katerno ng T-shirt mo. Medyo mayabang ka rin kasi yung relationship status mo sa FB ay "in a relationship" at nakalink sa tunay na tao at hindi lang isang dummy. Hindi ka natatawag na myembro ng SMP tuwing sasapit ang kapaskuhan at may sigurado kang kadate pagsapit ng Valentine's Day na ang ibig sabihin ay espesyal na araw ang February 14 para sa iyo.

Pero gaya ng kahit na anong bagay ay may downside ang pagkakaroon ng syota. Sa pagkakaroon ng bf/gf, ay pinipili mong maging exclusive sa kanya at malilimitahan nito ang pakikipagkilala sa ibang mga tao dahil pwede siyang magselos na malamang na ikauwi sa away. Andyan lagi para sayo at kahit na ayaw mo nang andyan siya ay andyan pa rin siya, hindi mo naman siya masabihang lumayo kasi maooffend siya at mag-aaway na naman kayo kahit ang gusto mo lang naman sana e konting personal space. May konting selos, konting cheating at maraming luhaan sessions sa isang relasyon. Hindi naman kasi fairytale ang isang romantic relationship na perfect na ang lahat pag nawala ang wicked witch na magtatapos sa isang happily ever after lalo pa kung pareho kayong immature. 

Maiiwasan ba ang mga ganong problema?

Hindi. pero pwedeng maging mas madalang at mas light ang dating ng mga pagsubok sa relasyon ninyo kung mature na ang dalawang taong magkarelasyon. 

Kaya naman naniniwala akong hindi dapat makipagrelasyon ang isang tao dahil pakiramdam niya e siya na lang yung single o di naman kaya'y kumota na siya sa mga taon ng pagiging single. Hindi ito minamadali. Ang dapat mong madaliin ay ang pagiging mas mabuti mong tao para pagdating ng tamang tao para sa iyo e handa ka na at wala ng dahilan para makalampas pa siya sa iyo. Sabi nga nung nagseminar samen nung hayskul ako, single daw tayo... ibig sabihin 1 at sa fraction, ito ay 1 whole, isang BUO na hindi na kailangan pa ng kahit na ano para makumpleto. Kaya kung naghahanap ka ng isang tao para kumumpleto sa iyo baka mali ang dahilan mo para maghanap ng taong mamahalin...baka dapat sarili mo muna yung mahalin mo.. baka dapat... ikaw muna sa sarili mo e maging buo para kung magmahal ka man, magkaroon ng relasyon at maging single muli ay masasabi mo na buo ka kahit mag-isa...

Friday, November 5, 2010

Hero's Fall (story)

"Hindi ka na natuto! Ilang beses ko bang dapat ipaalala na di ganyan yung paglagare ng kahoy?!? Kung yang maliit na bahay na kahoy e di mo kayang gawinng maayos, hinding hindi ka talaga pwedeng maging magaling na engineer."


Ganun naman lagi e... hindi siya proud at hindi magiging proud sa'ken. Kahit na anong gawin ko parang kapos, parang kulang. Ang hirap naman kasing lumakad sa anino niya na masyadong mataas.. kumpara sa kanya, wala talaga akong kwenta... Hindi niya naman ako pinilit na sundan ang yapak niya pero parang pakiramdam akong obligado akong sundan siya dahil ako lang ang anak niyang lalake.




Bata pa lang ako ay sinusubukan ko siyang gayahin, ganun yata pag anak na lalake, ina-idolize nila ang mga tatay nila, nagkakatalo na lang kung ma-outgrow nila ang tatay nila na sa kaso ko e imposible yatang mangyari. dahil masyado ng magaling si Papa para malampasan ko. Sa madaling salita, hindi lang basta idol si Papa para sa akin kundi isang hero... at tulad ng isang tagahanga sa kanyang hero.. hinihintay ko lagi ang approval niya, ang ngiti niya na magpaparamdam sa akin na magaling nga ako...


July 30, 2007.


Dumating ang Kryptonite ng Superman ng bahay. Nadiagnose si Papa na merong prostate cancer at nasa stage 4 na. Ako, si mama at ang dalawa kong mga kapatid ay parang pinagsakluban ng langit at lupa pero si Papa, tulad ng kung paano siya lagi ay kalmado, malakas at nakatindig ng tuwid. Di raw siya magpapachemo therapy, nirespeto namin ang desisyon niya dahil kung hindi, hindi rin naman kami mananalo dahil gusto niya ang masusunod. Totoo rin naman ang sinabi niya, pwedeng umikli pa ang buhay niya pag nagpachemo siya.


Lumipas ang ilang linggo at kahit pinakamalalakas na pain relievers ay di makayanang patigilin ang kirot na nararamdaman ni Papa. May mga gabi pa nga na sisigaw siya ng malakas at maririnig namin na tila umiiyak siya o di naman kaya'y nagdarasal para mawaal ang nararamdamang sakit, sa mga ganung pagkakataon, di siya lumalabas ng kwarto para di namin siya makitang hirap at nasasaktan, pag labas niya ng kwarto, hindi mo mababanaag na siya yung humihiyaw sa sakit. Siya pa rin yung well-groomed at well-mannered na lalakeng lagi kong tinitingala at kahit kelan e hindi yumuko para titigan ako.


Naiinis din ako sa kung paano siya umasta na parang napakalakas niya kahit na may sakit siya at alam naming nahihirapan. Gusto lang naman kasi namin siyang aluin, tanungin kung okay lang siya pero kung ganon siya na parang mas malakas pa kesa samen... paano namin gagawin yun?


October 23, 2007.


Tinaningan na siya ng doktor... tatlong buwan na lang raw ang ilalagi niya sa mundo. Nagalit ako.. naiyak si Mama pero si Papa, kalmado pa rin at nagsabi pang "buti naman at maaabutan ko pa ang pasko"


Ngumiti si Mama pero hindi napigilang umiyak nang tuluyan. Tumindig ako at si Papa. Nagpapanggap muling malakas para sa buong pamilyang samen lang humuhugot ng pag-asa.




October 31, 2007.


We celebrated Halloween ala Christmas.


May pagkain kaming hinanda para mapagsaluhan sa bisperas ng Todos los Santos. Lahat tahimik pagtapos ng pagdadasal na para bang naghihintay ng susunod na kabanata.. si Papa ang bumasag sa katahimikan.


"Next year, ako na ang ipagtitirik nio ng kandila."


Lahat umiyak pwera ako at nang akmang tatayo ako e niyaya ako ni Papa sa bakuran.


"Sige na. Umiyak ka na. Okay lang yan.." sabi niya sa akin


napatingin na lang ako sa kanya at hindi ko na napigilang humagulgol ng iyak.


"Ikaw lang ang inaasahan ko. Pag wala na ako, maging malakas ka para sa mama mo. Iiyak mo na lahat ngayon para sa oras na mamatay ako, hindi ka na iiyak.. promise that."


"ok po."


"Nakita ko na nga pala yung ginawa mong wooden house. Maganda. Mahusay. I always knew you could make such. I'm proud of you."


Those words... I've waited for it. At last.. I've heard it...




December 1,2007.


Birthday ni Mama.


Binigyan siya ni Papa ng isang diamond ring at bumulong ng


"I'll be gone soon.. but this one's forever. I love you."


Naluha si Mama at niyakap si Papa.


I never thought that my dad is that romantic but he is... and I've witnessed it with my eyes.


December 24, 2007


All is set... It's Christmas Eve


Niluto ni Mama lahat ng pabotitong pagkain ni Papa. Morcon, Pancit Palabok, Caldereta at custard cake...


Alam kong gusto ng lantakan ni Papa ang pagkain pero di niya magawa.. gusto namin siyang bumangon sa pagkakahiga pero hindi na pwede..


kinulong siya ng isang kahon na may salamin sa ibabaw.


Pero sa puntong ito nakangiti siya.


Isang bagay na di niya madalas ginagawa.


Hindi ko siya nakitang namatay. Bumagsak na lang daw bigla mula sa upuan at walang nakakita.


Andaya niya.


Tulad ng dati, di siya nagpaawat.


Di man lang siya nagpaalam ng maayos.


Walang huling habilin at ngayon..


kailangan pang wag ko siyang iyakan.


Pero ginagawa ko.. pinipilit ko...


dahil tulad niya kailangan ko ring maging isang hero...


and even heroes fall...


no one should see them falling.


No shedding of tear...


I'll try my best not to fall..


or at least no one should see me falling just like my old superman.

Saturday, August 14, 2010

AYOKO!!!

Ayoko sa plastic...
ewan ko kung ikaw gusto mo pero ako ayoko... prangka ako at totoo kaya inaasahan ko na kahit papaano e ganon rin sa akin an ibang tao

Ayoko sa bobo...
hindi ako matalino. Sakto. Kung bobo ko at bobo ka pa, baka sumabog tayo pero kung magpapanggap kang matalino, galingan mo.

Ayoko sa emo...
malulungkutin kasi ako kaya kung emo ka pa, dala ka na lang ng blade para magjamming tayo at makapagsaya sa langit

Ayoko sa user...
lahat tayo user pero may mga taong sagad ang pagiging user... wala akong balak na masama sa inyo... wag na lang kayong lumabas sa bahay niyo

Ayoko sa Math...
hindi ako mahilig magcompute at lalong ayokong dumudugo ang utak sa mga bagay na hindi ko maiapply sa mga bagay sa buhay ko.. pakialam ba ng tangent at cotangent sa pagiging ganito ko?

Ayoko sa mga tamad...
tama ka... ayaw ko sa sarili ko.. NEXT!

Ayoko sa mga mambabasag ng trip...
Kung gusto mong sabihan kita ng magaling, sasabihin ko na, wag ka lang umepal sa mga pagkakataong masaya ako

Ayoko sa mga judgmental at ipokrito...
Ano'ng feeling niyo? Magaling kayo? Sige kayo na...

Ayoko sa mga tahimik...
Masyado nio akong binibigyan ng pagkakataong mag-ingay

Ayoko sa mainit...
Lahat naman yata e.. kaya nga naimbento ang aircon at pamaypay diba?


Marami pa akong ayoko... Ibig sabihin mas marami akong gusto..

Kung pwede lang matulog at makuha ang lahat ng ninanais..

Kanina pa sana ako natulog...


Ampalaya

Tatanda ka rin at ang balat ay kukulubot
Ayoko...

Ayokong magkaroon ng kulubot. Ayokong manghina ang tuhod.

Ayokong maging uugod-ugod. Ayoko.

Ilang araw lang ang nakakalipas ay nakakita ako ng isang matandang lalake na nakasakay sa jeep... hindi siya makasabi ng para at ang tungkod ay itinutuktok para lang sabihing siya'y bababa na... lumagpas siya tulad ng inaasahan at banaag sa mata ang takot, lungkot at pagkalito sa kalsadan minsan niya ring tinahak ng buong giting at tapang...

Malamang mas malakas siya sa akin nung siya'y nasa kanyang kabataan,
Malamang mas naging batak ang katawan sa pang-araw araw na gawain
Malamang mauwi rin ako sa kanyang kalagayan kung ako'y lipasan ng panahon


Mabilis ang takbo ng sasakyan at siya'y patawid, kung ang mga sasakyan man ay siya'y mahagip...

Sa langit, dun na lang niya tayo masisilip...



Sunday, May 30, 2010

Pagtapos ng recess...

Malapit na naman pumatak ang ulan ibig sabihin, pasukan na naman. Bukas enrollment ko at sa kung ano mang dahilan e excited akong tapusin ang kolehiyo ko. Nakikibalasa ako sa mga baraha ng bukas na sana e makakuha man lang ng alas para sa pusoy dos ng buhay, isang pares lang ng alas e tatakbo na ang hawak kong tripleng kasiyahan... sana lang hindi pa ako kapos sa oras.


Sa panahong naghahanap ako ng kabuluhan sa buhay kong dati e tumatakbo lang pero walang patutunguhan ay sinubok kong magturo bilang isang tutor. Ang labong isiping tumakas ako sa eskwela pero sinuong ang pagtuturo. Pero siguro nga eh kinailangan kong magkaroon ng isang bagay na dati ay wala... PASENSYA.

Mahirap magturo at alam ko na yun mula pa noon dahil nababasa ko sa libro at naririnig mula sa kung sinu-sino pero pag andun ka na, iba ang experience... bittersweet. Nakakabwisit ang ingay at mga mahihirap na subjects, nakakadisappoint ang mga mabababang grades at times 10 ang hirap pag malapit na ang mga exams. Sa unang buwan ko eh maayos naman, nakakangiti ako at nakikitawa sa mag bata at punung-puno ng mga pangarap na magiging maayos ang mga bagay-bagay, na magiging cool teacher ako pero habang tumatagal eh hindi na ako cool...cold na at madalas ng mainit ang ulo, unti-unti na pala akong kinakain ng stress hindi ko pa namalayan dahil ayoko namang isipin ng pamilya ko na epic fail talaga ako kaya maganda lagi ang kwento ko tungkol sa unang trabaho ko pero paglipas ng tatlong buwan eh bumigay ako at nagpasya akong magresign pero hindi rin na ako nakaalis dahil wala naman akong ibang gagawin at unti-unti ko ng nakukuha ang trabaho na noon e kinaiinisan. Makukulit na bata. Mga pressures sa sariling buhay. Utak na di nakikisama. At marami pang iba... Lahat yan nakikipagsabayan sa hirap ng pagpapaintindi sa mga bata ng mga leksyon na kahit ikaw mismo e kinabwisitan mo rin nung araw pero kailangan mong gawin eh dahil trabaho mo yun.

Araw-araw na lang e sinusumpa ko nuon ang mga hapong nagtuturo ako. Nakikipagsisihan sa sarili ko dahil pakiramdam ko eh palpak ako sa desisyong ginawa ko. Para akong naglalaro ng Laban o Bawi na nag-aakalang may isang milyon pero hanggang sa huli eh hindi na binuksan ang laman ng kahon. Para akong si Willie na naghihintay na aluin para mawala ang badtrip araw-araw. Para bang pagpasok ko eh hindi na matatapos ang isang araw at sa tuwing sasabihin kong "bye" ay nagkakaroon ako ng pag-asa na bukas e mas magiging maayos ang aking araw. At awa ng Diyos eh naigapang ko ang isang taong pagsubok. At ako'y nalungkot sa araw na iyon dahil kahit makulit ang mga bata e mabuti sila... sweet ika nga. Sa kanila ko natutunan ang pasensya at kung ano ang halaga nito. Natutunan ko sa kanila na hindi madali ang mga exams sa eskwela pero mas mahirap ang test ng totoong buhay. Natutunan ko ang ngumiti kahit pagod at inis dahil hindi lang bata ang pwedeng humagalpak ng tawa, lahat pala pwede ring maging walang pakialam sa mundo kung minsan. Natutunan ko ring mas masarap pala ang maging bata kaya habang bata ka ay gawin mo lahat ng gusto mo, tuparin mo ang pangarap mo dahil hindi ka laging bata; tutubuan ka ng uban at kukulubot ang mukha at minsan pa'y babalik ka sa lupa. Nalaman ko ring andami ko pa palang hindi alam at kailangan malaman at mas marami pala akong natutunan kesa sa naituro...


Iba na ngayon... babalik ako muli sa apat na sulok ng kwartong minsan kong nilisan. Paborito kong pwesto ang teacher's table, parang ayoko na dun ngayon. Ayoko na muna.


Magtataas na naman ako ng kamay para sa recitation, kakalabit sa kaklase para sa paminsang huntahan habang nagsasalita si maam, maaamoy ko na uli ang mahiwagang whiteboard marker at makikinig muli sa mahahabang litanya pero gagawin ko ito ng nakangiti dahil pagkatapos ng matagal na recess, babalik ako uli sa klase. Sana lang di ako matawag na Tardy.


Ako si Billie...blogging.

Followers