Malapit na naman pumatak ang ulan ibig sabihin, pasukan na naman. Bukas enrollment ko at sa kung ano mang dahilan e excited akong tapusin ang kolehiyo ko. Nakikibalasa ako sa mga baraha ng bukas na sana e makakuha man lang ng alas para sa pusoy dos ng buhay, isang pares lang ng alas e tatakbo na ang hawak kong tripleng kasiyahan... sana lang hindi pa ako kapos sa oras.
Sa panahong naghahanap ako ng kabuluhan sa buhay kong dati e tumatakbo lang pero walang patutunguhan ay sinubok kong magturo bilang isang tutor. Ang labong isiping tumakas ako sa eskwela pero sinuong ang pagtuturo. Pero siguro nga eh kinailangan kong magkaroon ng isang bagay na dati ay wala... PASENSYA.
Mahirap magturo at alam ko na yun mula pa noon dahil nababasa ko sa libro at naririnig mula sa kung sinu-sino pero pag andun ka na, iba ang experience... bittersweet. Nakakabwisit ang ingay at mga mahihirap na subjects, nakakadisappoint ang mga mabababang grades at times 10 ang hirap pag malapit na ang mga exams. Sa unang buwan ko eh maayos naman, nakakangiti ako at nakikitawa sa mag bata at punung-puno ng mga pangarap na magiging maayos ang mga bagay-bagay, na magiging cool teacher ako pero habang tumatagal eh hindi na ako cool...cold na at madalas ng mainit ang ulo, unti-unti na pala akong kinakain ng stress hindi ko pa namalayan dahil ayoko namang isipin ng pamilya ko na epic fail talaga ako kaya maganda lagi ang kwento ko tungkol sa unang trabaho ko pero paglipas ng tatlong buwan eh bumigay ako at nagpasya akong magresign pero hindi rin na ako nakaalis dahil wala naman akong ibang gagawin at unti-unti ko ng nakukuha ang trabaho na noon e kinaiinisan. Makukulit na bata. Mga pressures sa sariling buhay. Utak na di nakikisama. At marami pang iba... Lahat yan nakikipagsabayan sa hirap ng pagpapaintindi sa mga bata ng mga leksyon na kahit ikaw mismo e kinabwisitan mo rin nung araw pero kailangan mong gawin eh dahil trabaho mo yun.
Araw-araw na lang e sinusumpa ko nuon ang mga hapong nagtuturo ako. Nakikipagsisihan sa sarili ko dahil pakiramdam ko eh palpak ako sa desisyong ginawa ko. Para akong naglalaro ng Laban o Bawi na nag-aakalang may isang milyon pero hanggang sa huli eh hindi na binuksan ang laman ng kahon. Para akong si Willie na naghihintay na aluin para mawala ang badtrip araw-araw. Para bang pagpasok ko eh hindi na matatapos ang isang araw at sa tuwing sasabihin kong "bye" ay nagkakaroon ako ng pag-asa na bukas e mas magiging maayos ang aking araw. At awa ng Diyos eh naigapang ko ang isang taong pagsubok. At ako'y nalungkot sa araw na iyon dahil kahit makulit ang mga bata e mabuti sila... sweet ika nga. Sa kanila ko natutunan ang pasensya at kung ano ang halaga nito. Natutunan ko sa kanila na hindi madali ang mga exams sa eskwela pero mas mahirap ang test ng totoong buhay. Natutunan ko ang ngumiti kahit pagod at inis dahil hindi lang bata ang pwedeng humagalpak ng tawa, lahat pala pwede ring maging walang pakialam sa mundo kung minsan. Natutunan ko ring mas masarap pala ang maging bata kaya habang bata ka ay gawin mo lahat ng gusto mo, tuparin mo ang pangarap mo dahil hindi ka laging bata; tutubuan ka ng uban at kukulubot ang mukha at minsan pa'y babalik ka sa lupa. Nalaman ko ring andami ko pa palang hindi alam at kailangan malaman at mas marami pala akong natutunan kesa sa naituro...
Iba na ngayon... babalik ako muli sa apat na sulok ng kwartong minsan kong nilisan. Paborito kong pwesto ang teacher's table, parang ayoko na dun ngayon. Ayoko na muna.
Magtataas na naman ako ng kamay para sa recitation, kakalabit sa kaklase para sa paminsang huntahan habang nagsasalita si maam, maaamoy ko na uli ang mahiwagang whiteboard marker at makikinig muli sa mahahabang litanya pero gagawin ko ito ng nakangiti dahil pagkatapos ng matagal na recess, babalik ako uli sa klase. Sana lang di ako matawag na Tardy.
Ako si Billie...blogging.
No comments:
Post a Comment