Miyerkules. Ika-25 ng Nobyembre, 2009. Idineklara ng pangulo ang National Day of Mourning kaugnay na rin ng tinaguriang Maguindanao Massacre. Mayroong hindi bababa sa limampu ang nawalang buhay sa naturang pagpatay pero kasabay nito ay may mga bagay pa na nawala, hindi lang sa pamilya ng mga napatay kundi pati na rin sa buong bansa... sa hindi mabilang na pagkakataon ay nabalot na naman sa poot at takot ang mga mamamayan.
"HATE THE DEED, NOT THE DOER"
Sa ngayon, isa si Mayor Ampatuan sa tinuturong may kasalanan sa naganap na krimen pero hanggang hindi ibinababa ang hatol ay mananatiling bintang ang mga akusasyon laban sa pulitikong nais tumakbo bilang gobernador ng probinsya. Kung siya man ang may pakana o hindi, dahil na rin sa tindi ng krimen na nagawa, ang gawain lang ba ang dapat kapootan at hindi ang may gawa?
Nakakapoot ang nangyari dahil sa dami ng inosenteng buhay na kinuha at mga pamilyang binuwag pero higit sa poot ay...
TAKOT.
Kung tunay man na ang nadidiin ang siyang may sala, parang lalo lang bumibigat ang isang katotohanan na hindi natin pwedeng ipagkatiwala ang ating kapalaran sa mga nakaupo sa pwesto na kayang kumitil ng buhay para lamang sa salapi at kapagyarihan... kung hindi man siya, takot pa rin ang namamayani dahil alam nating kapwa natin Pilipino ang may gawa nito. Kapwa nating Pilipino na siya dapat na nagkakaroon ng malasakit at pagmamahal sa bawat isa ngunit imbis na pagtutulungan ay pinagtutulungan ang mga humaharang sa kanilang mga adhikain maging ito'y mabuti o masama. Nakakakilabot isipin na sa sarili mong bansa ay hindi ka ligtas.
Sa pagputok ng balitang ito'y isinama ko ang sarili ko sa nais kumondena sa nasabing aksyon at isa sa mga taong nagpahayag sa pagtutol ay nakatanggap na raw ng pagbabanta. NAkakatakot isipin na sa ganitong panahon ay kailangan nang ibahag ang buntot ng mga taong may adhika na ipaglaban ang katarungan.
Sana sa darating na mga araw ay malinawan ang kaso at mahuli ang mga dapat malagay sa likod ng rehas. Sana sa mga susunod na panahon ay matigil na ang mga ganitong mga pangyayari. Sana.
Hindi ko akalain na magsusulat ako ng isang artikulo na ganito ang tema dahil hindi ito ang linyang nais kong isulat pero sabi nga nila "there is always an exemption" at isa ito sa mga exemptions.
Ako si Billie...nangangamba sa mga pangyayari...leaving an inkblog.
No comments:
Post a Comment